
Narito ang dalawang tauhan: si Eman at si Norman. Nabubuhay sila sa magkaibang panahon. 2006 at kaga-graduate lang ni Eman ng college nang matagpuan umanong tadtad ng saksak ang katawan ng matalik niyang kaibigang si Aaron. Pero hindi kumbinsido si Eman na si Aaron nga ang bangkay na ibinurol at inilibing ng ama at kapatid nito. Dahil walang naniniwala sa kaniya, mag-isang sinaliksik ni Eman kung ano ang totoong nangyari sa nawawalang kaibigan na naghatid sa kaniya sa mga kuwento ng mga aswang at kabaliwan at mga bilang na maaaring wala talagang kahulugan. Samantala, taong 1954 naman nang nawala ang tatay ni Norman sa gitna ng pagtatanghal nila ng salamangka sa isang baryo. Pitong taon lang siya noon kaya nahirapan siyang kapitan ang alaala ng huling sinabi ng ama bago ito nawala: na totoong may mahika—iyung walang panlilinlang, iyung walang itinatago sa mga tao. Marami siyang makikita’t hindi makikita sa paglipas at paghuhunos ng panahon, pero hindi inasahan ni Norman na magkakatagpo ulit silang mag-ama para ibunyag ang sumpa sa mga lalaki sa kanilang angkan.



