Edisyong omnibus ng mga tulang Filipino ni Rolando S. Tinio:
mahahanap dito ang lahat ng tula, salin, at awit sa Filipino ng tatlong aklat niya.
“Sa unang katipunan ko, sa Sitsit sa Kuliglig, tinalakay ang kongkretong kapaligiran, mga bagay man o tao, samantalang sa pangalawa, sa Dunung-dunungan, sinikap maiulat ang mga anino ng isip at diwa. Sa mga iyon, pumatnubay ang lagi at laging paalala ng mga guro at tulang Amerikano na kailangang manatiling ‘dry, hard and sophisticated’ ang makabagong berso; kailangang magsabakal ang puso sa pandayan ng ironiyang intelektuwal.
Sa sandaling pagdalaw ko sa Rusya noong 1974 at 1975, natutuhang magpakawala ng malalabsang damdamin sa pagsulat, na nagkataon namang nagbalik din sa akin sa tradisyon ng panulaang Pilipinong malambing at sentimental. Kaya’t walang pangingiming tinatalakay rito ang mga babasagin at malakristal sa aking kalooban, ang daigdig na pinaiinog ng lahat ng uri ng pagmamahal.”
— Rolando S. Tinio, Enero 1, 1989
mula sa Paunang Salita ng Kristal na Uniberso