Ang seryeng GALAK: Isang Masiglang Paglalakbay sa Filipino ay binuo bilang tugon sa patuloy na hamong mahubog ang mga kabataang Pilipino sa larangan ng wika at pagbasa. Naniniwala ang mga manunulat ng serye na habang nililinang ang kaalaman at mga kasanayan ng mga mag-aaral sa paggamit ng aklat na ito, masaya at masigla nilang nilalakbay ang patuklas sa kagandahan ng kultura at panitikang Filipino. Kasabay din ng paglalakbay na ito, naihahanda ang mga mag-aaral sa pagpapasyang gagawin nila sa hamon ng buhay sa pamamagitan ng mga mapanghamong gawain sa mga yunit ng aklat. Mula sa kahulugan ng salitang galak na saya o tuwa at kahandaan sa pagpapasya na mula sa salitang Tausug, binigyang buhay ng mga manunulat ang serye upang magsilbing gabay ito sa mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral ng wika at pagbasa.
Ang mga kasanayan sa wika at pagbasa ng serye ay naaayon sa K-12 Gabay Pangkurikulum sa Filipino ng Kagawaran ng Edukasyon. Alinsunod naman sa pamantayan ni Rolando S. Tinio ang ortograpiya ng wikang ginamit sa serye. Maingat ding binuo ng mga manunulat ang tema ng bawat yunit at aralin. Nagsisimula sa sarili ang paghubog hanggang sa pakikipagkapwa upang makatawid sa pakikipag ugnayang pambansa.
Layunin din ng serye na samahan ang mga mag-aaral sa isang masaya at masiglang paglalakbay. Sa kanilang pag-aaral sa wika at pagbasa, mararanasan nila ang iba’t ibang gawain sa paglalakbay katulad ng PAGPAPLANO, PAG-EEMPAKE, PAGLALAKBAY, PAG- ALALAY-LAKBAY, PAGDATING, PAG-ALAALA, PAGBABAON, at PAGPAPASALUBONG. Nahahati ang bawat aralin sa ganitong mga bahagi na may kasamang simbolo na nagsisilbing gabay sa ng mga mag-aaral.
Inilathala 2018.