Sa koleksiyong ito, sinusuyod ng tingin at ginagalugad (tulad ng uwak sa “Ang Parabula ng Uwak”) ng persona ang mga “labi ng pinsala” at sa proseso ay ibinubunsod at inililigaw niya ang sarili (inililigaw dahil laging may pagkamangha’t sorpresa sa bawat masumpungan: halimbawa’y “isla ng mga bangkay sa dulo ng bahaghari” o “natutunaw na asin sa pinagpapawisang mga palad”) sa ibang lupain, malalawak na parang at disyerto, gayundin sa malalayong karagatan habang tila kasabay na iminamapa ang isang “bagong mundo”—na hindi pa man ganap na naitatatag ay pinagiisipan na rin “kung paano niya [ito] mauubos.” Patunay lamang na, sa Labi, kapwa masidhing udyok at magkatagis na puwersa ang paglikha at pagwasak; at hindi mahalaga anuman ang “[kalabasan] ng di sadyang pag-uusisa” ng makata—ni Kristian Sendon Cordero—ang mahalaga ay ang kanyang “[pagsipol] ng bagong Awit ng mga Awit.”
—Mesándel Virtusio Arguelles
Pagkatapos ng trahedya, ng natural na mundo, ng alaala, ng digmaan, ng lipunan, ng pagkaguho ng pananalig at alamat, ng puso at espirito, pinatutunayan ni Kristian Cordero na ang pagtindig sa mga labi ang pinakamatibay na tuntungan ng panulaan ng malupit nating panahon. Tinuturuan tayo ng mga tulang ito na makipagtitigan sa mga labi, gaano man karahas, gaano man kalala ng pinsala, gaano man karumal-dumal ang makita: “walang nalalabi kundi labi.”
—Carlos Piocos III
Kung may sikmura ang kaluluwa, doon ka sisikuhin ng matatalas na taludtod ni Kristian Cordero. Pinaghalong haba ng kay Inang prusisyon at haplit ng bulkang Mayon ang kung baga sa sugat ay hindi maampat na pulandit ng kanyang imahinasyon. Alam na alam mong anak siya ng ngangayunin at bagyuhing Bicol, ngunit damang-dama mo rin na kainuman niya ang mga musa sa ibang daigdig, sa ibang panahon. Tagapuna at tagapunas ng bayani at banal, tagapagtanggal ng peluka ng relihiyon at rebolusyon—ito ang maamong kordero na walang sinasanto.
—Albert E. Alejo, SJ
Published in 2013.