Matagal nang may gabay sa pagsulat sa wikang Filipino ang Pamantasang Ateneo de Manila. Kilala ng mga mag-aaral sa Filipino ang nasabing gabay bilang ang kalakip na “Pilipino sa Pamantasan” na isinulat ni Rolando S. Tinio sa Likha na pinamatnugutan naman ni Benilda S. Santos. Ginagamit ang Likha bilang teksbuk sa pag-aaral ng retorika sa loob ng pamantasan. Sa paggamit ng pamagat na Bagay: Isang Gabay sa Pagsulat sa Wikang Filipino, nililingon nito ang tradisyong pinag-uugatan kay Tinio at sa Kilusang Bagay sa loob ng pamantasan. Isinulong ng nasabing kilusan ang paggamit ng wikang Filipino sa panahong namamalasak ang paggamit ng wikang Ingles bilang tanda ng kapangyarihan at pagiging intelektuwalisado. Sa kabilang banda, malay din naman ang kasalukuyang gabay sa pagsulat na may mga pagbabago na ring naganap sa pagsulong ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Pangunahin dito ang paghiwalay ng Filipino bilang wikang pambansa sa Pilipino na nakaugat sa pagkaunlad ng wikang Tagalog; kung kaya, “Pilipino” ang baybay ni Tinio sa wikang pambansa, samantalang “Filipino” na ang ginagamit ng kasalukuyang gabay. Naganap lamang ang ganitong mga pagbabago pagkatapos ng Rebolusyon sa EDSA (1986) sa muling pagsulat ng Konstitusyon.
Bilang paggalang sa mga naganap at nagaganap pang diskurso sa pagkaunlad ng Filipino bilang wikang pambansa, sinangguni ng kasalukuyang gabay ang mga gabay sa pagsulat ng pamahalaan, Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), at Surian ng Wikang Filipino. Sa katunayan, lumabas ang unang bersiyon ng kasalukyang gabay sa pagkakalimbag ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) nitong 2016. Hinahango rin ng kasalukuyang gabay ang ilan sa mga halimbawa rito mula sa gabay sa pagsulat ng PCDSPO at KWF. Binubuksan kung gayon ng kasalukuyang gabay ang pakikiagapay ng Pamantasang Ateneo de Manila sa mga nangyayari sa labas ng bakod nito sa paglinang ng wikang pambansa. Sa ganitong pamamaraan, iniiwasan ang pagkakakulong ng wikang Filipino sa loob ng praxis lamang ng pamantasan. Nakikiisa ang kasalukuyang gabay sa proyekto ng istandardisasyon ng wikang Filipino sa buong kapuluan.
-Mula sa
Ilang Paliwanag sa Pagkakabuo
Nitong Gabay sa Pagsulat sa Wikang Filipino
Inilathala 2017.